Mayor Piwa Lim, Nagpahayag ng Suporta sa Tayabasing Bodybuilder na Sasabak sa WNBF Championship
Published by
Tayabas City CICRO
BUMISITA SA TANGGAPAN NI MAYOR PIWA LIM SI LLOYD GABRIEL UMBAO AT ANG KANYANG BODY BUILDING COACH NA SI KENTH FANTONE ngayong Lunes, August 24, 2026, upang humingi ng suporta para sa kanyang paglahok sa World Natural Bodybuilding Federation (WNBF) Philippines Championship na gaganapin sa Century Park Hotel, Manila sa darating na Oktubre 17, 2026.
Ang naturang kompetisyon ay bahagi ng taunang WNBF Philippines event para sa mga natural bodybuilding athletes.
Ibinahagi ni Umbao sa alkalde ang ginagawa niyang paghahanda at ang determinasyon na maipakita ang husay at talento ng mga Tayabasin sa larangan ng bodybuilding sa pambansang antas. Nagpasalamat din siya sa patuloy na suporta ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Tayabas sa mga atletang nagbibigay karangalan sa lungsod.
Ipinahayag naman ni Mayor Piwa Lim ang kanyang suporta at paghanga sa dedikasyon ni Umbao at ng kanyang coach sa pagsusulong ng sports excellence. Hinikayat din niya ang atleta na ipagpatuloy ang masigasig na pagsasanay at magsilbing inspirasyon sa kabataang Tayabasin na mangarap at magsikap upang makamit ang kanilang mga layunin.
Patuloy ang Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Tayabas sa pagsuporta sa mga atletang nagbibigay ng karangalan at positibong representasyon sa lungsod sa iba’t ibang larangan.
Photo report
Scenes from the story
Source
Tayabas City CICRO – City Information and Community Relations Office
